
Aarangkada na ngayong araw ang imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs ukol sa smuggling ng P2.7-B halaga ng shabu na nasabat sa Port of Manila noong Enero.
Ayon kay committee chairperson Rep. Jonathan Keith Flores, aalamin sa pagdinig kung may mga Customs personnel bang iniimbestigahan o kinasuhan dahil sa insidente at kung paano nakalusot sa Customs ang nabanggit na shabu shipment.
Sa paggulong ng imbestigasyon ng Kamara, umaasa si Flores na madedetermina kung kailangan ding magsagawa ng overhaul sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), katulad ng sitwasyon ngayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Interesado din si Flores na malaman kung gaano katibay o kalakas ang mga kasong isinasampa laban sa mga akusadong drug smugglers, dahil marami sa mga ganitong kaso ang ibinabasura lang ng korte.
Target din ni Flores na silipin ang hakbang ng Professional Regulation Commission para mabawi o mapawalang-bisa ang lisensya ng mga customs brokers na nasasangkot sa shabu smuggling.









