Manila, Philippines – Posibleng sa susunod na 2 linggo ay mayroon nang inisyal na resulta ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation hinggil sa anumalyang kinasasangkutan ngayon ni Commission on Elections Chairman Andres Bautista.
Ito ay kasunod narin ng direktiba ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre kay NBI Director Dante Gierran na imbestigahan ang umano’y tagong yaman ng poll chief na una nang ibinulgar ng kanyang asawang si Patricia.
Sinabi ni Aguirre, nasa NBI na kasi ang mga kinakailangang dokumento maging ang affidavit ni Mrs Bautista.
Idinagdag pa ng kalihim na inaalam narin ng NBI kung mayruong naging paglabag sa Anti-Money Laundering Act si Bautista dahil sa umano’y sangkatutak na bank accounts nito na nabulgar.
Iginiit pa ni Aguirre na hindi lamang away mag-asawa ang nakasalalay dito kunghindi isa itong National interest.