Humihiling si dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board Executive Assistant Jeff Tumbado na ipagpaliban muna ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon kaugnay sa mga alegasyon ng korapsyon sa ahensiya.
Ito ay matapos na kumpirmahin ni Tumbado na natanggap na niya ang subpoena ng NBI.
Nakatakdang humarap sa NBI investigation si Tumbado sa Oktubre 16 kung saan inaasahang ilalatag niya ang mga ebidensiya.
Sabi ni Tumbado, makikipag-tulungan siya sa imbestigasyon pero uunahin muna niya ang paghahanda para sa hearing na itinakda naman ng kamara sa Martes.
Noong nakaraang linggo nang ibunyag ni Tumbado ang paghahatid umano niya ng pera kay suspendidong LTFRB Chairman Teofilo Guadiz at Transportation Secretary Jaime Bautista.
Binawi naman ito ni Tumbado kalaunan kasabay ng paghingi ng public apology.