Imbestigasyon ng NBI sa mga vloggers na nagpapakalat ng fake news, suportado ng isang senador

Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa mga vlogger na nagpapakalat ng mga fake news sa social media.

Naniniwala si Gatchalian na ang lubos na pagkahilig ngayon ng mga tao sa social media para kumuha ng impormasyon at ang paglaganap ng fake news sa mga nagdaang taon ay nangangailangan nang panghimasukan ng pamahalaan.

Ayon kay Gatchalian, seryosong banta sa tiwala ng publiko ang mga fake news at hindi dapat mag-alinlangan ang NBI na maghain ng kaso laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng mga maling impormasyon.


Giit ng mambabatas, hindi tayo dapat papayag na basta na lang naghahasik ng kasinungalingan at namamanipula ng ilang indibidwal ang kaisipan ng publiko na nakakaapekto sa ating pagkakaisa at pag-unlad.

Hindi aniya dapat kunsintihin ang mga walang katotohanan at malisyosong balita na layong impluwensyahan ang opinyon ng publiko sa ilang mga isyu na nagmamaliit sa ating democratic process at nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng bansa.

Facebook Comments