Pipilitin ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) na tapusin ngayong araw ang imbestigasyon sa kontrobersyal na pagdiriwang ng kaarawan ni National Capital Region Police Office Chief Major General Debold Sinas.
Mismong si PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo ang nagdesisyon na tapusin ngayong araw ang imbestigasyon matapos siyang kausapin ni PNP Chief Geneneral Archie Francisco Gamboa.
Dalawang aspeto ang inaalam sa imbestigasyon: Una, kung may mali sa ginawang event upang hindi na ito tularan pa ng iba at maiwasan ang kahalintulad na pangyayari at ikalawa, ang ‘individual liability’ o pananagutan ng mga dumalo.
Kapag napatunayang may paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) protocols partikular ang social distancing at mass gathering ay mahaharap si PMGen. Sinas sa kasong kriminal at mga kasama nito sa ginawang paglabag.
Una nang inamin ni NCRPO Chief Sinas na isang mañanita ang ginawa sa kanyang kaarawan nitong May 8, pero sinabing walang nilabag na ECQ protocols ngunit humihingi naman ng paumanhin sa nangyari.