Imbestigasyon ng Senado sa Bilibid, sesentro na sa nangyaring security breach matapos matagpuan ang tumakas na PDL

Sesentro na ang imbestigasyon ng Senado sa security breach sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) matapos matagpuan ang nawawalang Person Deprived of Liberty (PDL) na si Michael Cataroja na nagtatago pala sa Rizal.

Matatandaang unang nagkasa ng moto proprio investigation ang Senate Committee on Justice and Human Rights kasunod ng ulat na may nadiskubreng mass grave sa septic tank sa loob ng maximum security ng Bilibid habang pinaghahanap ng mga awtoridad si Cataroja na pinaniwalaan pa noong una na posibleng patay na.

Ayon kay Justice Committee Chairman Senator Francis Tolentino, matutuon na ang imbestigasyon ng Senado sa kung papaano nakatakas ang PDL na si Cataroja.


Aalamin din sa pagsisiyasat ng komite ang mga kapabayaan ng Bureau of Corrections (BuCor) sa nangyaring pagtakas ng inmate.

Mababatid na sa unang imbestigasyon ng komite ni Tolentino ay napag-alaman pa na hindi buto ng tao kundi buto ng hita ng manok ang natagpuan putol-putol na buto sa septic tank ng Bilibid na pinatotohanan ng Medico Legal Team ng National Bureau of Investigation.

Dagdag pa rito ay naungkat din sa imbestigasyon ang modus kung paanong ang mga drug syndicates na nakakulong ay malayang naisasagawa ang kanilang iligal na gawain sa labas ng NBP compound.

Facebook Comments