Sisimulan na sa susunod na linggo ang imbestigasyon ng Senado sa malawakang blackout sa Panay Island.
Itinakda ng Senate Committee on Energy na pinamumunuan ni Senator Raffy Tulfo ang pagdinig sa power outage sa Panay Island sa January 10.
Bukod sa sanhi ng power interruption na nakaapekto sa mga lalawigan sa Western Visayas, kasama rin sa sisilipin ang pagrepaso o ang pagbawi sa prangkisa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Pangunahing sinisisi sa nangyaring malawakang power outage sa Panay Island ang NGCP at iginiit ni Tulfo na ang paulit-ulit na kapalpakan nito ay sapat na grounds para rebyuhin ang prangkisa ng NGCP.
Binigyang-diin ng senador na dapat ay natuto na ang NGCP sa nangyari noong Abril ng 2023 na malawakang rotational brownout sa Panay at Negros matapos pumalpak ang transmission lines ng NGCP.
Giit pa ni Tulfo, panahon na para madaliin ang pagrerebisa at agarang pagtanggal ng prangkisa ng NGCP dahil isang dekada at kalahati nang nagsasakripisyo ang taumbayan sa mga kapalpakan nila.