Itinakda sa Agosto 9 ang pagdinig ng Senado patungkol sa matinding pagbaha sa maraming lugar sa bansa dulot ng pananalasa ng bagyong Egay at patuloy na pag-ulan.
Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, mayroong basbas ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsasagawa ng pagdinig ng Mataas na Kapulungan tungkol sa lumalalang pagbaha sa bansa at mismong ang Pangulo rin ang humirit na may makasuhan sa kapabayaang ito.
Aniya pa, ang naturang pagsisiyasat ng Senado ay salig din sa nais ng Presidente na maitatag na ang Department of Water Resources Management.
Sinabi ni Villanueva na bubusisiin nila sa pagdinig ang P183 billion na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon at ang detalye ng alokasyon sa flood control projects ng ahensya sa 2024 na tumaas pa sa 17.8% o P215.6 billion.
Bukod dito, aalamin din sa pagdinig ang status ng integrated master plan ng Central Luzon at master plan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang kita na nawawala sa bansa dahil sa pagbaha at kung ano ang tugon ng gobyerno sa nasabing problema.
Posible ring ipaharap sa pagdinig ang National Irrigation Administration (NIA) para bigyang linaw ang polisiya sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para alamin kung ang mga mitigating projects at greening program ay nakakatulong ba sa pagkontrol ng baha.
Aminado rin si Villanueva na ilang dekada na ang nakalipas ay walang nangyayari at lumalala pa ang pagbaha sa kabila ng bilyung-bilyong pisong pondong inilalaan dito ng Kongreso.