Kinumpirma ni Senate President at vice presidential candidate Vicente “Tito” Sotto III na magpapatuloy ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan para matukoy ang nangyari sa 31 nawawalang sabungero makaraang payagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuspinde sa lisensya ng pitong kompanya ng e-sabong.
Ayon kay Sotto, gagawin umano ng Senado ang lahat ng posibleng paraan upang makalkal ang ugat ng isyu dahil sa nakita ng senador ang sama ng takbo ng kaso at kalupitan ng mga taong nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Batay sa mga nakalap na impormasyon nina Sotto at kanyang presidential candidate Sen. Panfilo “Ping” Lacson, kabilang sa mga nawawala ay ang isang driver at ang 14-anyos na kapatid ng isa sa mga biktima na pinaghahanap din.
Maging si Partido Reporma senatorial candidate at dating Philippine National Police (PNP) Chief Guillermo Eleazar na kasama sa isinagawang campaign rally sa kanyang probinsya ay ikinalugod ang balitang ito pero nanawagan pa rin siya sa PNP na paigtingin pa ang kanilang mga hakbang para maresolba ang nangyaring krimen.
Tinukoy ni Eleazar ang maitutulong ng paglalagay ng mga magkakaugnay na closed-circuit television (CCTV) system na mababantayan ng mga pulis upang mapabilis ang progreso ng imbestigasyon ng mga krimen sa ating bansa.