Itinakda na sa October 23 ang imbestigasyon ng Senado patungkol sa mga kaso ng sexual abuse at human-trafficking ni Pastor Apollo Quiboloy sa mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon kay Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality Chairperson Risa Hontiveros, inabot ng higit kalahating taon bago naipagpatuloy ng komite ang imbestigasyon sa mga kaso ng pang-aabuso sa KOJC matapos na magtago ng ilang buwan si Quiboloy sa mga awtoridad.
Aniya, susulat ang komite sa korte para mahingi ang permiso sa pagdalo ni Quiboloy sa pagdinig ng Senado.
Inaasahang muling haharap sa pagdinig ang ilan sa mga resource person na naging biktima ni Quiboloy at may mga bago pang testigo na dadalo upang kahit sa pamamagitan ng pagkompronta sa dati nilang lider ay makakuha sila ng kahit kaunting hustisya.
Dagdag pa ni Hontiveros, may mga indibidwal ang lumapit sa kanyang opisina at sa komite na naghayag ng kahandaang humarap sa pagdinig kapag sumalang na si Quiboloy lalo’t nasubaybayan nila mula sa simula ang imbestigasyon ng Senado.