
“Too late the hero.”
Ganito inilarawan ni Senator Christopher “Bong” Go ang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations kaugnay sa pagkakaaresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngayong araw ikakasa ang naturang imbestigasyon kung saan pangungunahan ng chairman ng komite na si Senator Imee Marcos.
Ayon kay Go, pinag-iisipan pa niyang mabuti kung dadalo sa pagdinig dahil tila wala na ring magiging epekto pa ang imbestigasyon sa sitwasyon ngayon ng dating pangulo.
Binigyang-diin ng senador na hindi naman maibabalik sa bansa si dating Pangulong Duterte ng gagawing pagsisiyasat at ang posible na lamang pag-usapan ay ang mga batas na nalabag sa pag-aresto sa kanya.
Nilinaw naman ni Go na iginagalang niya ang inisyatiba ni Sen. Marcos dahil karapatan naman nitong magpatawag ng pagdinig.