Imbestigasyon ng Senado sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, itinakda na sa Abril 17

Itinakda na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa April 17 ang imbestigasyon hinggil sa karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Batay sa ibinigay na impormasyon ng komite, sa April 17, alas dyes ng umaga, idaraos ang pagdinig ukol sa pagpatay sa gobernador.

Ang pagkasa ng imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan tungkol sa pagpaslang kay Degamo ay bunsod na rin ng hiling ng asawa ng gobernador na si Pamplona Mayor Janice Degamo.


Matatandaang sinuspinde muna ng komite noong Marso ang dapat sana’y imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Degamo dahil na rin sa hiling ng Department of Justice (DOJ) na makapag-build up muna ng kaso at maaresto ang mga akusado sa pagpatay sa opisyal.

Nauna nang sinabi ni Public Order Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kahit naka-session break ay magpapatawag pa rin siya ng pagdinig sa kasong ito.

Ang pagsisiyasat na ito ay salig na rin sa Senate Resolution 518 na inihain ni Senator Risa Hontiveros na humihiling sa kaukulang komite sa Senado na maglunsad ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ kaugnay sa magkakasunod na kaso ng pagpatay kay Degamo at sa iba pang mga lokal na pamahalaang opisyal.

Facebook Comments