Imbestigasyon ng Senado sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid, idaraos ngayong Nobyembre

Agad na ikakasa ngayong Nobyembre ang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Ayon kay Senator Ronald Bato dela Rosa, idaraos agad ang schedule ng pagdinig sa Lapid murder case oras na mai-refer sa pinamumunuan niyang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang resolusyon na inihain dito ni Senator Ramon Revilla Jr.

Kabilang sa mga ipapatawag sa gaganaping imbestigasyon ng Senado ang mga mayor o lider ng mga nakabilanggo sa New Bilibid Prison.


Hihingan ng impormasyon ang mga ito ng Senado kung may nalalaman sa pagkamatay ni Jun Globa Villamor, ang bilanggo sa Bilibid na nasawi noong nakaraang linggo at sinasabing “middleman” sa sabwatan sa pagpatay kay Lapid.

Maliban sa mga mayor, asahan din na ipapatawag sa pagdinig para pagpaliwanagin sa kaso sina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Corrections (BuCor).

Matapos sumuko noong nakaraang linggo ang gunman sa Lapid slay case na si Joel Escorial at ibulgar na nasa loob ng Bilibid ang nag-utos na ipapatay si Lapid kapalit ng P550,000 ay agad na naghain si Revilla ng resolusyon para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso.

Facebook Comments