Imbestigasyon ng Senado sa pagpaslang sa isang volunteer doctor, isinulong ni Senator Hontiveros

Manila, Philippines – Pinapaimbestigahan ni Senator Risa Hontiveros sa Mataas na Kapulungan ang pagpatay kay Dr. Dreyfuss Perlas noong March 1, 2017 sa Sapad, Lanao del Norte.

 

Si Dr. Dreyfuss ay kabahagi ng Doctor-to-the-Barrios o DTTB program ng Department of Health at boluntaryong nanggagamot sa mga mahihirap na residente sa munisipalidad ng Sapad.

 

Nakapaloob sa senate resolution number 310 na inihain ni Hontiveros na kailangang makapaglatag ng batas na magbibigay proteksyon sa at titiyak ng kaligtasan ng mga doktor at iba pang medical personnel sa mga kanayunan.

 

Idinagdag pa ni Hontiveros na ang pagpatay kay Dr. Perlas ay tangkang pagdiskaril sa pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng health care services ang mga naninirahan sa malalayong bayan sa buong bansa.

 

Maging si Senator JV Ejercito ay nagpahayag din ng pagkondena sa pagpaslang kay Dr. Dreyfuss.

 

Kasabay nito ay iginiit ni Ejercito sa mga otoridad na sikaping agad  na matukoy ang nasa likod ng pagbaril at pagpatay sa doktor upang mabigyan ito ng hustisya.

 

Nagalalala si Ejercito na ang nangyari kay Dr. Perlas ay maging daan para magalanganin na ang mga doktor na lumahok sa mga programa ng pamahalaan na ang layunin ay mapaglingkuran ang mga mahihirap na Pilipino sa mga malalayong lugar sa bansa.

Facebook Comments