Imbestigasyon ng Senado tungkol sa oil spill ng lumubog na MT Terranova, umarangkada na; operators at owners ng oil tanker na MT Jason Bradley at MV Mirola 1, ipinapa-subpoena ng Senado

Sinimulan na ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change ang imbestigasyon tungkol sa oil spill ng lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan.

Bukod sa epekto ng oil spill na idinulot ng paglubog ng MT Terranova, kasama rin sa sinisiyasat ngayon ng komite ang pagtaob ng MT Jason Bradley noong July 26 sa Mariveles, Bataan dahil sa sama ng panahon at ang pagsadsad ng MV Mirola 1 sa baybayin din ng Mariveles, Bataan.

Humarap ngayon sa pagdinig ang operator ng MT Terranova na si Porta Vaga Ship Management Inc. President Vicente Cordero subalit “no show” naman sa pagdinig ang mga may-ari at operator ng MT Jason Bradley na si Romnick Ponestas at ng MV Mirola 1 na si Mary Jane Ubaldo.


Agad na ipinag-utos ni Committee Chairperson Senator Cynthia Villar ang pagpapa-subpoena kina Ponestas at Ubaldo dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig sa kabila ng imbitasyon dito ng komite.

Iginiit naman ni Villar na ang mga nangyaring trahedya sa karagatan ay malaking “setback” sa pagsisikap ng gobyerno na ma-rehabilitate at ma-preserve ang Manila Bay gayundin sa ongoing efforts ng bansa para palakasin ang ecosystem at pagpapasigla ng ating biodiversity.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ang nangyaring mga insidenteng ito sa karagatan ay maituturing na kapabayaan din ng gobyerno dahil pinayagang maglayag ang mga barkong ito gayong natuklasan na wala palang permit ang mga barkong nasangkot sa insidente.

Facebook Comments