Imbestigasyon ng Senado tungkol sa pag-aresto kay FPRRD, tuloy pa rin bukas

Kinumpirma ni Committee on Foreign Relations Chairperson Senator Imee Marcos na tuloy pa rin ang imbestigasyon bukas ng Senado tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kabila ito ng ipinadalang liham ng palasyo ng Malacañang na hindi dadalo bukas ang mga inimbitahang cabinet members at executive officials matapos igiit ang executive privilege at subjudice rule.

Ayon kay Sen. Marcos, dumalo man o hindi ang mga resource person ay tuloy pa rin ang pagsisiyasat ng kanyang komite sa nangyaring pagdakip sa dating Pangulo.

Gayunman, hindi pa masabi ng senadora kung sino ang mga resource person na haharap sa isasagawang public hearing.

Sa ngayon aniya ay kinukumpirma pa nila kung sino ang makakadalo sa ibang inimbitahan.

Una rito ay sumulat si Executive Secretary Lucas Bersamin kina Senate President Chiz Escudero at Sen. Marcos kung saan ipinabatid na hindi na padadaluhin ang mga imbitadong executive official.

Nakasaad sa liham na nasagot na ng mga kinauukulang opisyal ang mga tanong patungkol sa nangyaring pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay Duterte at nakapaglabas na rin ng preliminary findings si Sen. Marcos tungkol sa ginawang pagdinig.

Facebook Comments