Nanawagan sina Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez at Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe sa Senado na tigilan na ang imbestigayon ukol sa People’s Initiative.
Ito ay makaraang lumitaw sa ikalawang pagdinig na isingawa sa Davao na wala kahit isang testigo o ebidensya na tuwirang nagsabi na may suhulan o binayaran sa naganap sa pagkuha ng pirma.
Ayon kay Suarez, tulad ng unang hearing sa Maynila, lahat ng testigo sa Davao City ay nagsabi na wala rin silang tinanggap na pera kapalit ng kanilang pirma sa People’s Initiative.
Binanggit naman ni Dalipe na wala nang saysay ang pagdinig dahil inihinto na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng lagda para sa People’s Initiative bukod sa umuunti na rin ang bilang ng mga senador na nakikibahagi sa pagdinig.
Bunsod nito ay hinikayat nina Suarez at Dalipe ang Senado na ibaling ang pansin sa talakayan at mabilisang pag-apruba ng Resolution on Both Houses na naglalayong amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya sa Konstitusyon.