Imbestigasyon ng Senado ukol sa People’s Initiative, pagsasayang lang ng oras para sa ilang kongresista

 

Para sa ilang kongresista, nagsasayang lamang umano ng oras ang Senado sa imbestigasyon ukol sa People’s Initiative para sa isinusulong na pag-amyenda sa mga economic provision ng Konstitusyon.

Ayon kay Deputy Speaker at Quezon 2nd district Rep. David ‘Jay-jay’ Suarez, mistulang circus ang pagdinig na maituturing din na moot and academic o wala ng saysay dahil magpasya na ang Commission on Elections (COMELEC) na suspedehin ang pagtanggap ng pirma kaugnay sa People’s Initiative.

Hindi naman kumbinsido si Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman na kailangan pang magsagawa ng imbestigasyon ng Senado ukol sa People’s Initiative lalo’t may posisyon na ang COMELEC laban dito.


Halip na pagdiskitahan ang People’s Initiative ay iginiit nina Suarez at Roman at ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta na mas maiging tutukan na ng Senado ang pagpasa sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 na nagsusulong ng Charter Change sa pamamagitan ng constituent assembly.

Una rito ay ipinunto ni Marcoleta na paano maisasagawa ang constituent assembly para sa Charter Change kung dinidedma ng Senado ang mga imbitasyon ng Kamara para talakayin ang usapin.

Facebook Comments