Bukas ang Department of Health (DOH) sa gagawing imbestigasyon sa kanilang 5 opisyal na pinatawan ng preventive suspension ng Office of the Ombudsman dahil sa napakabagal na pagre-release ng mga benepisyo ng mga fronliners.
Kabilang sa mga pinatawan ng anim na buwang suspensiyon ay sina; Usec. Roger Tong-an, Asec. Kenneth Ronquillo, Asec. Maylene Beltran, Director Laureano Cruz at Administrative Officer Esperanza Carating.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, natanggap na nila ang desisyon mula sa Ombudsman at nalulungkot sila na nangyari ito sa gitna ng pandemya.
Umaasa rin si Vergeire na mapapabilis ang imbestigasyon dahil malaki ang papel na ginagampanan ng mga ito sa gobyerno.
Kasabay pa nito iginiit din ni Vergeire na bagama’t isasailalim ang limang opisyal ng DOH sa imbestigasyon, hindi nangangahulugang may mali nang ginawa ang mga ito.
Sa oras kasi aniya na mapatunayang wala silang nilabag, ay papahintulutan na silang makabalik sa kani-kanilang mga trabaho.