
Nagbubunga na ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ito ang ibinida ng Palasyo sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa mga palpak at ghost flood control projects ng pamahalaan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, isa sa resulta nito ang paglalabas ng freeze order sa ari-arian ng ilang mga indibidwal at opisyal na sangkot sa isyu.
Sa kabila nito, tagubilin naman aniya ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tiyaking matibay ang mga ebidensiya upang hindi makalusot ang mga nasa likod nito.
Kahapon, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na kakasuhan na ang ilang indibidwal na isinasangkot sa anomalya sa flood control kabilang na sina Senator Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, dating Sen. Bong Revilla, at Ako Bicol Representative Elizaldy Co.
Sabi pa ni Castro, galit ang pangulo sa nangyayaring katiwalian at kuntsabahan sa mga opisyal at contractor sa porsyento sa mga government projects kasunod na rin ng mga nabubunyag sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.









