
Iginiit ni Akbayan Party-list Rep. Dadah kiram Ismula sa lokal na pamahalaan ng Cebu na agad imbestigahan ang Binaliw landslide kung saan 18 ang nasawi at marami ang natabunan.
Diin ni Ismula, dapat papanagutin ng Cebu City government ang Prime Integrated Waste Solutions Inc. na syang nangangasiwa sa Binaliw landfill.
Malinaw para kay Ismula na ang nangyari ay hindi aksidente kundi kapabayaan dahil noon pa ay sinita na ng Commission on Audit (COA) ang kompanya habang ilang taon ng nagrereklamo ang mga residente sa lugar.
Bunsod nito ay nananawagan din si Ismula sa local at national government na bigyan ng tulong pinansyal ang pamilya ng mga nasawi at nawawala pa rin dahil sa trahedya.
Sabi ni Ismula, bukod sa burial assistance ay dapat ding mapagkalooban ng pangmatagalang tulong pangkabuhayan ang mga pamilya ng mga biktima ng insidente.
Hiniling din ni Ismula na mailipat sa ligtas na lugar ang mga residente sa naturang danger zone.










