Imbestigasyon sa GCTA at ninja cops dapat na magpatuloy kahit bumaba na sa posisyon si Albayalde

Manila, Philippines – Iginiit ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite na dapat magpatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersyal na Good Conduct Time Allowance (GCTA) at ninja cops sa kabila ng pagbibitiw sa posisyon ni PNP Chief Oscar Albayalde.

Ayon kay Gaite, mahalagang magpatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng Mataas na Kapulungan sa isyu ng GCTA at ninja cops kahit pa hindi na si Albayalde ang PNP chief.

Naniniwala ang mambabatas na posibleng may iba pang PNP chief na nauna kay Albayalde na sangkot sa katiwalian na lumulutang ngayon sa PNP.


Iginiit pa ng kongresista na hindi dapat maitalaga si Albayalde sa ibang posisyon sa pamahalaan at dapat na mapanagot ito sakaling mapatunayan na talagang may kinalaman ito lalo na sa ninja cops issue.

Duda din si Gaite na isang damage control ang ginawang pagbibitiw ni Albayalde dahil noong nakaraang linggo ay matigas ito sa posibilidad ng pagre-resign sa pwesto.

Maaari aniyang kinausap ito ng Malakanyang nitong weekend dahilan ng pagbabago ng isip nito.

Facebook Comments