Patuloy pa ang mga imbestigador ng Police Station 2 sa pagsisiyasat kaugnay ng naganap na pamamaril sa lungsod noong gabi ng Sabado na ikinamatay ng isa katao at ikinasugat naman ng 3 iba pa makaraang tamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay Police Station 2 Commander Police Capt. Rustom Pastolero, ngayong araw pa na ito ng Lunes babalikan ng mga imbestigador ang mga sugatang biktima upang makunan ng salaysay hinggil sa insidente.
Kinilala ang nasawi sa naturang shooting incident na si Mohammad Ismael Ajid, habal-habal driver.
Papunta sana ng Sinsuat Avenue ang biktima nang pagbabarilin ng riding in tandem criminals pagsapit nito sa panulukan ng Gov. Gutierrez at Garcia St. sa Barangay RH-9 ng lungsod.
Dahil sa dami ng pinakawalang bala ng mga hindi nakilalang suspek ay tatlong iba pa ang tinamaan ng ligaw na bala.
Ang mga ito ay sina Bong IMba na nasapol sa hita, nakatayo lamang ito sa lugar habang naghihintay ng masasakyan, Arsenio Agustin at anak nitong si Giesel, 7 anyos na parehong nagtamo ng daplis sa kanilang paa.
Minamaneho noon ni Agustin ang kanyang payong-payong habang sakay ang kanyang anak nang tamaan ng ligaw na bala habang dumaraan sa lugar na.
Hiling naman ngayon ni Capt. Pastolero ang tulong at kooperasyon ng sino mang naka-saksi sa naturang insidente.
Anya, maaring dumulog sa kanilang himpilan ang sino mang may mahalagang impormasyon para sa agarang ikalulutas ng kaso.
Tiniyak naman ng opisyal na magiging confedential ang lahat lahat maging ang kanilang pagkakakilanlan.(Daisy Mangod)
Imbestigasyon sa insidente ng pamamaril noong weekend, tinututukan ng City PNP
Facebook Comments