Imbestigasyon sa internet services sa bansa, inumpisahan na ng Kamara

Sinimulan na ng House Committees on Public Accounts at Good Government and Public Accountability ang joint investigation sa estado o sitwasyon ng telecommunications at internet services sa bansa.

Ang imbestigasyon ay kasunod na rin ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga telcos noong ikalimang State of the Nation Address (SONA) na dapat ay maayos at malakas na ang signal pagsapit ng Disyembre.

Tinukoy ni Public Accounts Chairman Mike Defensor na pagdating sa internet service ay ang Pilipinas ang pinakamababa sa Asia-Pacific kung saan nasa ika-106 ang bansa pagdating sa fixed broadband.


Sinabi naman ni Good Government and Public Accountability Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado, bukod sa pinakamabagal na internet speed ay pang-apat naman ang bansa sa may pinakamahal na bayarin sa data.

Ipinunto naman ni Defensor na nagiging mahirap ang signal sa bansa dahil bago makapagpatayo ng isang tower ay kailangang makakuha ng 25 permits at licenses at inaabot ng walong buwan bago makapagpatayo ng cell tower.

Kabilang sa mga uusisain ng dalawang komite ang unutilized loads, interconnection charges, calls and texts charges at cell data.

Tinukoy sa pagdinig ang kahalagahan ng mabilis at malakas na signal lalo ngayong may COVID-19 pandemic kung saan nakadepende ang mga empleyado at mga estudyante sa online.

Facebook Comments