IMBESTIGASYON SA INVESTMENT SCHEME NG JRL KWARTA TRADING CO SA SAN CARLOS CITY, INIREKOMENDA NA SA NATIONAL AGENCIES

Ipinasa na ng Sangguniang Panlungsod ng San Carlos, Pangasinan, sa national government ang imbestigasyon sa milyong-milyong pondo na hindi naibalik ng JRL Kwarta Trading Company sa mga investor.

Sa pamamagitan ng isang Joint Executive–Legislative Resolution na pinagtibay ng Sangguniang Panlungsod, tinukoy ang umano’y sinadya at may masamang hangaring pagtanggi ng founder na si Joshua Rosario Layacan na isauli ang pera ng mga investor, sa kabila ng paulit-ulit na pangako na ibabalik ang kanilang puhunan.

Batay sa resolusyon, nag-alok ang JRL Kwarta Trading Company ng investment scheme na may ipinangakong sampung porsiyentong buwanang kita sa capital ng mga investor.

Noong Mayo 13, 2025, ni-raid ng Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group ang opisina ng kumpanya matapos matuklasang wala itong kaukulang secondary license mula sa Securities and Exchange Commission.

Ilang empleyado ang naaresto at kalaunang nahatulan, habang si Layacan ay patuloy na nangakong ibabalik ang pera ng mga investor.

Bagama’t ilang ulit na inimbitahan ng Sangguniang Panlungsod upang humarap at magpaliwanag, nabigo umanong makipagtulungan si Layacan at hindi tumupad sa itinakdang petsa ng pagbabalik ng puhunan noong Disyembre 4, 2025.

Dahil dito, iginiit ng lokal na pamahalaan na matinding pinsalang pinansyal, emosyonal, at mental ang dinanas ng mga investor, na kinasawian na ng ilan.

Bilang tugon, pormal na inirekomenda ng Pamahalaang Lungsod Security and Exchange Commission, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Department of Justice at Bureau of Internal Revenue ang pagsasampa ng mga nararapat na kaso upang mapanagot ang responsible at mabigyan ng hustisya ang mga biktima. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments