Minamadali na Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang imbestigasyon sa anim na pulis sa Navotas City na pumatay sa isang binatilyo na biktima ng mistaken identity.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Alfegar Triambulo, ngayong araw mag-uumpisa ang fact finding investigation na magtatagal ng tatlong araw.
Dito kakalap ng ebidensya at mga testimonya ang mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.
Pagkatapos ng fact finding investigation, ikakasa naman ang pre-charge investigation kung saan pagpapaliwanagin at hihingan ng affidavit ang mga sangkot na pulis na tatagal ng isang linggo.
Magkakaroon naman ng summary hearing na tatagal ng 20 araw at pagsapit ng Setyembre 6 ay tapos na ang kanilang imbestigasyon at isusumite na ng PNP-IAS ang kanilang rekomendasyon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa approval.
Una nang tiniyak ng liderato ng PNP na igagawad ang hustisya sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar.