Imbestigasyon sa kaso ng pagpaslang sa law student ng UST, matatapos na ng MPD

Manila, Philippines – Kumpiyansa ang pamunuan ng Manila Police District na matatapos na nila ang imbestigasyon sa kaso ng pagkakapaslang kay Horacio Tomas Castillo III.

Ayon kay MPD Dist. Director, Chief Supt. Joel Coronel, otsenta porsiyento silang tiwalang may linaw na ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa nasabing insidente lalo pa’t mayroon ng persons of interest na sila ay tinutugaygayan na makapagbibigay-linaw sa krimen.

Nabatid na napatunayan ng mga imbestigasdor na si John Paul Solano na naghatid sa Chinese General Hospital sa biktima ay hindi nagsasabi ng totoo na nakita lang niya sa kanto ng H. Lopez Blvd at Infanta St., Balut, Tondo, Maynila si Castillo dahil sa mga oras na sinasabi ni Solano ay hindi siya nakita sa CCTV footage na nakalagay sa lugar.


Natuklasan din na si Solano ay law student din ng UST at nagtratrabaho ng part-time bilang medical technologist sa San Lazaro Hospital.

Inimbitahan din aniya sa MPD si Solano kahapon upang magbigay ng paliwanag hinggil sa insidente ngunit hindi siya dumating, kaya hanggang sa oras na ito ay bukas pa rin ang MPD kay Solano upang ibigay ang kanyang panig.

Napag-alaman ng MPD na ang nag-text kay Carmina, ina ng biktima, na nasa hospital ang batang Castillo, ay isa sa mga cellphone number ng isa sa mga opisyal ng Aegis Juris Fraternity sa UST.

Facebook Comments