Inutos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos sa Lanao del Norte Police Provincial Office na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa kaso ng pagpatay sa isang community radio broadcaster sa bayan ng Bacolod, Lanao del Norte.
Kinilala ang biktima na si Audrey Gaid Estrada, 59, commentator ng 101.3 Grace Covenant FM ng Bacolod radio station.
Ito ay natagpuang patay sa ikawalang palapag ng kanyang bahay ng mga pulis na rumesponde sa tawag tungkol sa nangyaring insidente ng pananaksak.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, nagtamo ng 15 saksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Narekober din ng mga pulis ang isang 13-inch kitchen knife sa unang palapag ng bahay.
Ayon kay Carlos, masyado pang maaga para sabihin na may kinalaman ang krimen sa kanyang trabaho bilang broadcaster, pero, hindi ito isinasantabi ng PNP dahil karamihan sa mga nabiktima sa nakaraan ay mga radio commentators.
Tiniyak ni Carlos, na gagawin ng PNP ang lahat para mapanagot ang sinumang responsable sa krimen.