Pinapa-imbestigahan ni House Committee on Human Rights Chairman at Manila 6th district Rep. Benny Abante sa Kamara ang mga kontrobersiya laban sa Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) sa Sitio Kapihan, Surigao del Norte.
Ang hirit na pagdinig ay nakapaloob sa House Resolution 1326 na inihain ni Abante upang matukoy kung totoo na nakagawa ng paglabag sa karapatang pantao ng mga miyembro nito ang SBSI.
Layunin ng hakbang ni Abante na makabuo ng panukala o mapalakas pa ang kasalukuyang mga batas na titiyak ng dignidad ng bawat indibidwal at rerespeto sa karapatang-pantao.
Basehan ng hakbang ni Abante ang napaulat na mala-kultong mga aktibidad ng SBSI na pinamumunuan ngayon ni Jey Rence Quilario o “Senyor Agila.”
Halimbawa nito ang paghihigpit sa mga miyembro na makalabas ng “kapihan ng community,” at pagkakait din sa kanila na makapagpa-ospital at makatanggap ng nararapat na serbisyong medical.
Ang mga batang miyembro ng SBSI ay hindi rin umano pinag-aaral at pwersahan pa silang pinapakasal sa murang edad.