Pina-iimbestigahan ni House Deputy Speaker at Las Pinas Representative Camille Villar sa Kamara ang laganap na online child sexual abuse sa bansa.
Hakbang ito ni Villar sa gitna ng reputasyon na ang Pilipinas umano ang ang top producer ngayon ng child pornography sa buong mundo.
Binanggit ni Villar na 2016 pa lang ay natukoy na ang Pilipinas bilang hotspot sa buong mundo ng livestream sexual abuse industry.
Sa inihaing House Resolution No. 453, ay sinabi ni Villar na lubhang nakakabahala ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga bata na nabibiktima nito.
Sinabi rin ni Villar ang pahayag ng United Nations Children’s Fund na 20 percent ng mga batang gumagamit ng internet na edad 12 hanggang 17 ang kadalasang biktima ng online sexual exploitation at pag-abuso.
Giit ni Villar, dapat maprotektahan ang mga bata sa lahat ng klase ng pag-abuso gamit ang internet na lalong lumala nitong panahon ng pandemya.