Nananawagan ang Kabataan Partylist ng malalim at patas na imbestigasyon sa pagpatay sa Lambayong 3 o ang tatlong menor de edad na napatay sa Lambayong, Sultan Kudarat na sina Arshad Ansa, Horton Ansa at Samanodin Ali.
Sa report na natanggap ng Kabataan Party-list, sakay ng motorsiklo ang tatlo teenagers ng sila umano ay habulin, arestuhin at pagbabarilin ng mga pulis na nakaposte sa isang checkpoint.
Sabi ng mga pulis, may mga drug paraphernalia sila na nakumpisa sa tatlo pero giit ng kapatid ng isa sa mga biktima, sila ay walang kalaban-labang pinatay habang nagmamakaawa.
Ayon kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel nakakasawa na ang dahilan uli ng mga pulis na nanlaban ang tatlo para umilag sa pananagutan at pagtakpan ang sistematikong pamamaslang na nangyari sa ilalim ng war on drugs.
Bunsod nito ay hiniling ni Manuel sa Commission on Human Rights (CHR) at sa iba pang human rights organizations, agarang imbestigahan ang insidente.
Umaapela rin ang Kabataan Partylist sa Marcos Jr., administration na tuldukan na ang madugong kampanya laban sa iligal na droga na mareresolba lang sa pamamagitan ng pagrespeto at pagsulong sa karapatang-pantao.