
Ikakasa ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson sa susunod na Huwebes, September 18, ang ika-apat na pagdinig ng Senado sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Lacson, pinili niya ang Huwebes para mas mahaba ang oras na mailaan sa pagdinig at hindi mabitin lalo’t sa mga nagdaang pagdinig ay kailangan nilang tapusin bago mag-alas tres ng hapon para naman sa sesyon.
Humingi rin aniya siya ng 2 days extension para mamarkahan ang mga ebidensya matapos niyang mapansing walang markings ang mga ito.
Ipapatawag muli sa susunod na pagdinig ang dating Bulacan Assistant District Engineer na si Brice Hernandez at pagdedesisyunan din kung pagkatapos ng pagdinig ay ide-detain na lang sa Senado.
Kasama rin sa pahaharapin ang contractor na si Mina na sinasabing kausap ng Senate staff na si Beng Ramos na kumokolekta ng komisyon ng flood control project na pinapondohan umano ni Senator Jinggoy Estrada.
Hindi muna pahaharapin si Ramos sa pagdinig dahil sumasailalim ito sa medical treatment at hindi maganda ang kalagayan nito.
Gayunman sinabi ni Lacson na hindi sila basta-basta magpapatawag ng resource person sa Senado na base sa haka-haka lamang.









