Imbestigasyon sa maling paggamit ng DOH sa COVID-19 response fund, isinulong ni Sen. Poe

Dumagdag si Senator Grace Poe sa nagsusulong na imbestigahan ng Senado ang report ng Commission on Audit (COA) na mabagal at mali ang paggamit ng Department of Health (DOH) sa mahigit ₱67-billion na pondo na pantugon sa COVID-19 pandemic.

Diin ni Poe, maraming dapat ipaliwanag ang DOH .

Ayon kay Poe, layunin ng pagdinig na maitama ang mga pagkakamali sa paggastos para sa pandemya at matukoy kung sino ang dapat managot sa pagkakait sa mamamayan ng mahusay na serbisyong pangkalusugan na higit ngayong kailangan.


Base sa report ng COA, ilang mga programa na nagkakahalaga ng halos ₱4-bilyon ang hindi naipatupad ng DOH at may mali rin sa procurement process nito tulad ng kawalan ng documentation.

Ikinadismaya rin ni Poe ang nakasaad sa report na mahigit ₱95.6M halaga ng mga gamot ang na-expire dahil sa sablay na plano sa pagbili, palpak na distribusyon at kahinaan ng kontrol o pamamahala sa loob ng departmento.

Tinukoy rin ni Poe ang sinasabi ng COA na mahigit ₱1.2-bilyon na mga kagamitan ang binili ng DOH pero hindi nagamit o hindi nai-deliver, habang mahigt ₱2.8-bilyon naman na mga infrastructure projects sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ang nananatiling nakabinbin.

Sa harap ng planong dagdagan pa ang pondo ng DOH para sa COVID-19 response and recovery ay iginiit ni Poe na dapat matiyak na hindi masasayang ang pera ng taumbayan.

Facebook Comments