Manila, Philippines – Muling pinabubuhay ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang imbestigasyon ng Mababang Kapulungan sa nangyaring Mamasapano Tragedy kung saan 44 na SAF commandos ang nasawi.
Ayon kay Zarate, bagamat welcome development para sa MAKABAYAN ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Aquino sa Sandiganbayan kaugnay sa Mamasapano Tragedy, balewala pa rin ito dahil sa bigat ng pinsalang iniwan ng insidente sa mga pamilya ng SAF at sa mga taga Mamasapano.
Dahil dito, hiniling ni Zarate na palawakin pa ang imbestigasyon ng Kamara sa House Resolution 491 kung saan binibigyang direktiba ang mga komite ng National Defense and Security, Public Order and Safety at Peace, Reconciliation and Unity na laliman pa ang pagsisiyasat sa Mamasapano incident.
Giit ni Zarate, marami pa ring katanungan na kailangang bigyang linaw sa Oplan Exodus noong Enero 2015 upang tuluyang masabi na may makakamit ngang hustisya lalo na sa mga nagbuwis ng buhay.
Nais pang malaman ng kongresista ang lawak ng pagkakasangkot ng US sa nasabing operasyon para tugisin ang teroristang si Zulkifli Binhir alyas Marwan.