
Sa pormal na pagbubukas ng 20th Congress ay asahan na ang mga nakalinyang imbestigasyon ng Kamara ukol sa ilang mga flood control project.
Kabilang dito ang ₱2.5-billion na halaga ng flood control project sa Las Piñas-Zapote River Drive na natapos na noong 2022 pero ayon kay Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos ay bigong makahadlang sa pagbaha.
Kasabay ng imbestigasyon ay inihahanda na rin ng tanggapan ni Rep. Santos ang pagpapatupad ng Comprehensive Flood Management Plan na kinabibilangan ng flood mapping, river rehabilitation, drainage modernization, at community-based anti-flood campaigns.
Inihain naman ni Biñan City, Laguna Representative Walfredo Dimaguila Jr. ang House Resolution Number 33 na nagsusulong ng imbestigasyon sa flood control project sa paligid ng Laguna Lake.
Ayon kay Dimaguila, ang patuloy na siltation sa Laguna Lake ay nakabawas sa holding capacity nito na maaring sanhi ng madalas at matinding pagbaha na banta sa aquatic life at kalidad ng tubig.
Una rito ay isinulong din ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano na mabusisi ng Kamara ang hindi natapos na flood control project sa Estero de Sunog Apog sa Tondo Dos, Maynila na pinondohan ng mahigit P774 milyon.









