Hindi pa maikasa ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon ukol sa ibinunyag ni Senator Manny Pacquiao na mga katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Senator Richard Gordon na siyang chairman ng komite, ito ay dahil hanggang ngayon ay wala pang isinusumite na mga dokumento o ebidensya si Pacquiao.
Paliwanag ni Gordon, hindi naman sila makakapag-imbestiga base lang sa mga balita o laman ng mga pahayagan.
Gayunpaman, para kay Gordon, dapat seryosohin ang anumang alegasyon ng katiwalian, kaya inatasan na ang kanyang mga staff para alamin kung may basehan ang mga akusasyon ni Senator Pacquiao.
Sabi ni Gordon, pinakakausap na niya sa kanyang mga staff ang mga awtoridad para alamin kung mayroong “smoke and fire” o basehan ang nabanggit na mga paratang at kung mayroon, hindi sila magdadalawang isip na agad mag-imbestiga.