
Hindi pabor si Presidential Son at House Majority Leader Sandro Marcos ng Ilocos Norte na agad magkasa ang Kamara ng imbestigasyon ukol sa pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa flood control projects.
Ipinunto ni Rep. Marcos na bakit iimbestigahan ng kapulungan ang sarili nito kaya makabubuting hintayin na lang kung ano ang magiging direktiba ng Malakanyang.
Ayon kay Congressman Sandro, may inilabas ng listahan si Pangulong Ferdinang Marcos Jr. ng umano’y mga nakinabang at naka-corner ng bilyones na halaga ng flood control projects.
Para kay Rep. Marcos, mainam na bigyan ng pagkakataon ang Pangulo na maaksiyunan ang mga impormasyon na nakarating sa kanya at huwag itong madaliin dahil kailangan ang malalimang imbestigasyon.
Binanggit ni Marcos na pwede namang tumulong ang Kamara sa pamamagitan ng pagkalap ng mga dagdag na impormasyon at pagtukoy kung saan nagkaroon ng anumalya.









