
Hiniling ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang sa Department of Justice (DOJ) na ibalik sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang imbestigasyon kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa kanyang sinumpaang salaysay na isinumite sa DOJ, sinabi ni Ang sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Gabriel Villarreal, na nararapat lamang na ang CIDG ang muling magsagawa ng masusi at patas na reinvestigasyon.
Ito’y upang magkaroon nang maayos na case build-up na katanggap-tanggap sa parehas na panig.
Iginiit ni Villarreal na walang kinalaman si Ang sa mga paratang laban sa kanyang kliyente at ang whistleblower na si Patidongan umano ang tunay na utak sa krimen.
Kahapon nang tahimik na nakapasok ang negosyanteng si Atong Ang sa DOJ nang hindi napansin ng media dahil ayaw na rin umano nito nang publicity at para pabulaanan ang kumakalat na isyu na siya ay umalis ng bansa.









