
Posibleng buksan muli ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang imbestigasyon tungkol sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito ay kapag may kasamahan siyang maghain ng resolusyon para ipasilip ang panibagong rebelasyon tungkol sa mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa Taal Lake.
Naniniwala naman si Dela Rosa na may mga makapangyarihang tao na nasa likod ng pagkawala ng mga sabungero.
Kumbinsido ang senador na credible na whistleblower si Julie “Dondon” Patidongan subalit sana’y noon pa nito isiniwalat sa imbestigasyon ng Senado ang kanyang mga ibinunyag upang mas kapani-paniwala.
Aminado rin si Dela Rosa na dating PNP Chief na maaaring may mga pulis ngang sabit sa kaso, bagay na sobrang ikinadismaya ng mambabatas.
Magugunitang si Dela Rosa ang nanguna sa imbestigasyon ng mga nawawalang sabungero noong 2022 bilang chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.









