Itinakda sa Martes, March 2, ang investigation in aid of legislation ng Senado sa nangyaring misencounter sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bahagi ng Commonwealth sa Quezon City kung saan dalawang pulis ang napatay.
Ang pagdinig ay pangugngunahan ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Nagsumite rin si Senator Risa Hontiveros ng resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon sa aniya’y dramatic at traumatic misencounter sa pagitan ng PNP at PDEA.
Ayon kay Hontiveros, nakakaalarma na nagkaroon na naman ng misencounter sa pagitan ng mga otoridad na hindi unang beses na nangyari.
Iginiit naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na napapanahon na para ipasa ang inihain nyang panukalang batas na lilikha ng United Presidential Drug Enforcement Authority (PRDEA) na makakatulong para maiwasan ang ganitong misencounter.
Paliwanag ni Sotto, ang isinusulong niya ay isang super body na tututok sa enforcement, prosecution, prevention at rehabilitation.