Pinapaimbestigahan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Senado ang report ng Commission on Audit (COA) na hindi maayos at mabilis na ginamit ng Department of Health (DOH) ang mahigit P67 billion na inilaan bilang pantugon sa pandemya.
Para kay Drilon, nakaka-alarma at nakakabahala ang natuklasan ng COA na maling paggamit ng DOH sa pondo para sa COVID response ng gobyerno.
Paliwanag ni Drilon, mahalagang masilip ang paggamit ng DOH ng bilyon-bilyong pisong COVID-19 response funds lalo pa’t may mga alegasyon ng iregularidad sa pagbili ng DOH ng mga kagamitan at medical supplies.
Pangunahing binanggit ni Drilon na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasagot ng DOH ang alegasyon ng korapsyon sa pagbili ng mga personal protective equipment at mga test kit.
Umaasa si Drilon na sa gagawing pagdinig ng Senado ay matutukoy kung anong ahensya ang nagsagawa ng mga kwestyunableng procurement at sino-sino ang sangkot dito at sila ba ay nananatili pa sa gobyerno.
Hindi katanggap-tangap para kay Drilon na sa harap ng kakulangan sa mga kama, PPE, ventilators, oxygen tanks, at iba pang medical supplies ay iniipit ng DOH ang mahigit P24.6 billion.
Sabi ni Drilon, dapat ay nagamit ang nabanggit na salapi para masuportahan ang kailangang medical resources sa bansa at maibigay ang risk allowance ng mga medical frontliner.