Imbestigasyon sa misteryosong pagkamatay ng flight attendant, sinimulan na ng forensic team ng NBI; Resulta ng imbestigasyon, posibleng abutin pa ng dalawang araw

Sinimulan na ng forensics team ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hiwalay na imbestigasyon sa misteryosong pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera matapos mag-party kasama ang mga kaibigan sa isang hotel noong bisperas ng Bagong Taon.

Ayon kay Atty. Ferdinand Lavin, Deputy Director ng NBI, sinuri na nila ang ilang kagamitan sa room 2209 ng City Grand Garden Hotel para makakuha ng ilang ebidensiya sa pagkamatay ng dalaga.

Gumamit din ang grupo ng ultraviolet light para makita kung may dugo o blood stain na lilitaw dahil ang iba sa mga ito ay hindi basta-basta nakikita.


Paliwanag pa ni Lavin, posibleng abutin ng dalawang araw ang laboratory examination result ng mga nakalap na ebidensiya.

Samantala, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brigadier General Vicente Danao Jr. na kumakalap din sila ng karagdagdang ebidensiya sa kaso.

Pero giit nito, nahihirapan din sila dahil na-embalsamo na ang bangkay bago pa ito na-autopsy.

Una nang lumabas sa mga paunang resulta na namatay si Dacera sa aortic aneurysm.

Facebook Comments