Imbestigasyon sa muling-taas presyo ng kuryente, inihirit sa Kamara

Pinapaimbestigahan ni Gabriela Party Representative Arlene Brosas sa Mababang Kapulungan ang muling pagtaas sa presyo ng kuryente at ang pagrepaso hanggang sa pagbasura sa EPIRA Law na syang nagtulak sa deregulasyon at pribatisasyon ng industriya ng kuryente.

Ang hirit na imbestigasyon ni Brosas ay kasunod ng panibagong anunsyo ng MERALCO nitong Marso ng taas-singil sa kuryente dahil umano sa scheduled maintenance ng Malampaya facility.

Binanggit ni Brosas, bukod sa pagtaas ng singil noong Marso, ay hinihiling din ng Meralco ang pag-apruba ng Energy Regulatory Commission na mangolekta ng kanilang under recoveries mula 2020 hanggang 2022 na nagkakahalaga ng ₱7.98 bilyon.


Dismayado si Brosas na ang mga pribadong kompanya lang ang umaani ng limpak-limpak na salapi habang nagdurusa ang consumers sa taas-singil sa kuryente lalo na sa panahon ng tag-init, sa gitna ng kawalan ng umento sa sahod at pagsirit pataas ng presyo ng pagkain, utilidad, at iba pang bilihin.

Giit ni Brosas, responsibilidad ng gobyerno na tiyakin na abot-kaya ang presyo ng basic commodities at utilities kaya hindi dapat ipasakamay sa mga pribadong korporasyon na ang interes ay nakatuon sa tubo sa halip na magserbisyo sa mamamayan.

Facebook Comments