Ngayong araw o bukas ay ihahain ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo “Ping” Lacson ang resolusyon na nagsusulong ng imbestigasyon sa dalawang taon nang naantalang implementasyon ng batas ukol sa National ID system.
Sabi ni Sotto, maaring isagawa ang pagdinig kapag bumalik na ang session ng Senado sa Mayo.
Ayon kay Sotto, target ng pagdinig na hingan ng paliwanag ang National Economic Development Authority o NEDA, National Security Adviser at iba pang ahensya na responsable sa pagpapatupad ng National ID law.
Diin ni Sotto, kundi dahil sa red tape ay matagal na dapat naipatupad ang National ID system na makatutulong sana para sa mabilis na pagtukoy ng mga dapat pagkalooban ng Social Amelioration Fund.
Sa ngayon ay natatagalan ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng COVID-19 crisis dahil sa hindi magkakatugmang listahan ng mga kinauukulang ahensya at Local Government Units (LGUs).