Pinapa-imbestigahan ng pitong lider ng Kamara ang naglipanang mga peke at malisyosong post sa iba’t ibang social media platforms na lumilito sa publiko, sumisira sa reputasyon ng mga indibidwal at institusyon, at gumagambala sa pampublikong diskurso.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa resolusyon na inihain nina Representatives Aurelio Gonzales, David Suarez, Manuel Jose Dalipe, Marcelino Libanan, Robert Ace Barbers, Bienvenido Abante Jr., at Joseph Stephen Paduano.
Hiling ng nabanggit na mga kongresista na magsagawa ng imbestigasyon ang House Committees on Public Order and Safety, on Information and Communications Technology, at on Public Information.
Layunin ng ikakasang imbestigasyon ng tatlong komite na mapagtibay ang proteksyon sa freedom of speech ng mga Pilipino at matiyak ang kaligtasan ng digital world.