Suportado ni Vice President Leni Robredo ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa paggamit ng hindi rehistradong bakuna ng ilang miyembro ng gabinete at Presidential Security Group (PSG).
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo ang ilegal na pagpapabakuna ng ilang opisyal at sundalo ay nagbibigay lamang ng maling mensahe sa publiko lalo na sa pagsuway sa batas.
Mas hinihikayat lamang nito ang mga tao na gawin ang mali.
Umaasa si Robredo na ang mga sangkot na opisyal ay maging transparent at maging responsable sa kanilang mga ginawa.
Kinuwestyon din ni Robredo ang paggamit ng mga smuggled na bakuna at ikinatwirang gagamitin ang mga ito para protektahan ang Presidente.
Matatandaang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Sinopharm vaccines ng China, na hindi pa dumadaan sa Food and Drug Administration (FDA) ay itinurok na sa ilang kawani ng gobyerno.