Ipinaabot na ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa police-military operations sa Calabarzon kaugnay sa pagkamatay ng siyam na aktibista sa lugar.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, partikular itong ipapaabot sa AO No. 35 Committee na magsisilbing tulong upang makumpleto ang mga kinakailangang ebidensiya.
Ang AO No. 35 ay binubuo ng Inter-Agency Task Force (IATF) para imbestigahan ang mga kasong may extra-legal killings, enforced disappearances, torture, at iba pang mga paglabag.
Kasabay nito, hinimok naman ni dating Bayan Muna Representative Neri Colmenares ang Korte Suprema na pag-aralan pang mabuti ang mga batas sa tamang pag-iisyu ng search warrants.
Paliwanag kasi ni Colmenares, kailangang maging patas ang paraan ng paghahain ng search warrants sa Metro Manila at sa iba pang lalawigan.
Sa paraang ganito kasi ito maiiwasang mapigilan ang mga pagkasawi.
Kung sa isyu naman ng imbestigasyon sa Calabarzon, tiniyak naman ng Malakanyang na hindi pa pinal ang gagawing imbestigayon ng DOJ.
Pagtitiyak ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, kailangan munang maging patas ang magiging resulta ng imbestigayon at mapanagot kung may nagkamali sa hanay ng operatiba.
Sa ngayon, naghain na ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para imbestigahan ng Senado ang tinaguriang “Bloody Sunday” sa Calabarzon.