Imbestigasyon sa pagkasira ng Sierra Madre, isinulong sa Kamara

Ikinakasa na ng House Committee on Natural Resources ang imbestigasyon ukol sa pagkasira at pagka-kalbo ng Sierra Madre na itinuturing na “Backbone of Luzon” dahil ito ang nagsisilbing “natural shield” laban sa mga bagyo at baha mula sa Pacific Ocean.

Ayon sa Chairman ng komite na si Cavite 4th district representative Elpidio Barzaga Jr., ang watershed ng Sierra Madre ay sumusuporta rin sa water system ng Luzon, Cagayan Valley at Metro Manila.

Sabi ni Barzaga, target ng pagdinig na matukoy kung may mga aktibidad gaya ng illegal logging, gold mining, limestone mining, quarrying, deforestation at dam construction sa naturang lugar.


Dagdag pa ni Barzaga, sa pagdinig ay pagpapaliwanagin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung naisyuhan ng permit at pinayagan ang nabanggit na mga operasyon at kung naikonsidera ang masamang epekto nito sa kalikasan.

Isinulong ni Barzaga ang pagdinig upang busisiin ang unti-unting pagkasira ng Sierra Madre kaya nabigo nitong lubos na protektahan laban sa matinding pagbaha ang bayan ng San Miguel, Bulacan sa pananalasa ng Super Typhoon ‘Karding.’

Ayon kay Barzaga, layunin ng pagdinig ng makapaglatag ng hakbang kung paano pangangalagaan ang Sierra Madre na nagbigay proteksyon sa malawak na lugar sa bansa lalo na sa paghagupit noong 2018 ng Bagyong Ompong gayundon sa mga Bagyong Lawin at Karen at Bagyong Karding.

Facebook Comments