Inihain ng 42 mga kongresista ang House Resolution Number 1019 na nagsusulong na maimbestigahan ng Kamara ang matinding pagkasunog ng Manila Central Post Office nitong May 22.
Sa resolusyon ay binigyang diin ng mga mambabatas na ang Manila Central Post Office ay deklaradong National Cultural Treasure at kinikilala rin na heritage site ng National Historical Commission (NHC) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).
Sinasabi sa resolusyon na mahalagang bahagi ng kasaysayan ang Manila Central Post Office na nawasak na noong panahon ng World War II pero muli naisaayos noong 1946 at noong 2018 ay idineklara ng National Museum bilang Important Cultural Property.
Layunin ng pagdinig na mabusisi kung ano ang tunay na sanhi ng sunog at kung sapat ba ang ginawang pagtugon dito ng mga kinauukulan.
Target din sa pagdinig na madetermina kung epektibo pa ba ang mga umiiral na patakaran at paraan ng pag-iingat sa ating mga heritage sites upang maiwasang maulit ang kaparehong insidente sa hinaharap.