Imbestigasyon sa paglabas sa bansa ni Mayor Alice Guo, hiniling ng ilang kongresista, pero Kamara, wala pang plano na ito ay isagawa

Hiniling ng ilang kongresista na imbestigahan ng House of Representatives kung papaano nakaalis ng Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo, kailangang matukoy at mapanagot ang nasa likod ng pagtakas ni Guo.

Naniniwala Zambales Rep. Jefferson Khonghun na may kinokontsabang opisyal ng gobyerno si Guo kasama na ang Bureau of Immigration (BI).


Mungkahi naman ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, isama ang naging pagtakas ni Guo sa imbestigasyon ng quad committee.

Nais naman ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing na malaman kung nasaan na si Guo at kung papaano ito mapababalik sa bansa upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Pero ayon kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, sa ngayon ay wala pang plano ang Kamara na dumagdag sa imbestigasyong isinasagawa ng Senado at ng Department of Justice (DOJ).

Facebook Comments